Humingi ng paumanhin ang aktres na si Angel Locsin matapos magkagulo dahil sa pagdagsa ng mga tao sa kanyang inilunsad na community pantry. Hindi na na-kontrol ang pagdami ng tao kaya naman hindi na rin nasunod ang social distancing.
Paliwanag ng Kapamilya aktres, maayos naman ang simula ng kanilang proyekto bandang 8:00 ng umaga dahil siniguro nilang nasusunod ang safety protocols.
Aniya, mayroon din daw mga awtoridad sa kanilang lugar katulad ng LGU, PNP at barangay na nagpapatupad ng social distancing.
“Kahit na anong paghahanda naman po natin para ma-avoid ‘yung mga ganitong gulo, hindi lang po talaga siya makontrol. Kahit na nandito na po ‘yung munisipyo, nandito na ‘yung military, pulis, ‘yung barangay. Lahat po nandidito na po, hindi lang po talaga namin ma-kontrol.”
Sa kanyang Instagram, ipinaliwanag ni Angel na wala siyang intensyon na magkaroon ng problema dahil noong una ay maayos naman ang pila ngunit mayroon raw mga sumingit.
“Hindi po ito ang gusto ko. Nagsimula po kami na maayos po ang aming layunin. Pati ang pagpa-plano ng social distancing. Nagkataon lang po siguro talaga na gutom lang ‘yung tao na kahit wala po sa pila sumisingit na po sila,” sabi ni Angel.
“Pasensiya po, pasensiya po. Gusto ko lang po i-celebrate ‘yung birthday ko sana na makatulong po ako sa mga tao. Hindi ko po intensyon na makagulo. Pasensiya na po,” dagdag nito.
Samantala, isang senior citizen ang hinimatay habang nakapila sa community pantry at idineklarang dead on arrival.
***
Source: Angel Locsin | Instagram
No comments:
Post a Comment