Thursday, January 23, 2020

Lolong iniwan ng mga anak sa Taal Island, nanawagan

Dun sa mga anak kong umalis na hindi man lang ako nilingap, para bagang damit lang ako na iniwanan sa bahay. Umalis sila nang walang pasubali; hanggang sa ngayon, hindi ko malaman kung nasaan.”
Lolo Eusebio Cacao / Imahe mula sa video ng Abante

Ito ang mga pahayag ni lolo Eusebio Cacao, 68, na mag-isang naninirahan sa Taal Volcano Island sa kabila ng nakaambang panganib dito.

Ayon sa panayam ng Abante nitong Linggo, Enero 19, matagal na raw itong naninirahan sa Taal Island. At kahit pa nga kamakailan lang ay nag-alboroto ang Taal Volcano, hindi na raw ito lumikas. 

Nanawagan si lolo Eusebio sa kanyang mga anak na dalawin siya gayong wala siyang load at hindi na umano sila nagkikita.

Ayon kay lolo Eusebio, mayroon itong mga anak sa Maynila at Japan. 

Marites, Maricar, saanman kayo naroroon, pumunta kayo dito’t dalawin naman ninyo ako. Naluluha ako sa ginagawa ninyo sa akin e, parang hindi ninyo ako magulang,” naiiyak na dulog ni lolo Eusebio.
Lolo Eusebio Cacao / Imahe mula sa video ng Abante

Kung ako ay masamang magulang, hindi kayo lalaki nang ganyan,” sambit pa niya. 

Gusto kong lumuwas diyan, wala naman akong kapera-pera, e.

Kwento ni lolo Eusebio, namatay ang kanyang asawa at naiwan ang kanyang mga anak noong walong taong gulang pa lamang ang panganay nito, habang tatlong buwan at dalawang linggong gulang naman umano ang bunso.

Pito aniya ang kabuuang dami ng mga anak niya, ngunit namatay ang isa.

Sa isla na nanirahan si lolo Eusebio mula nang isilang. 15 taong gulang aniya siya nang pumutok ang Bulkang Taal noong 1965.

Panoorin ang video sa ibaba:


***
Source: Abante

No comments:

Post a Comment