Isang security guard ng Bureau of Immigration (BI) ang pinasasailalim ng Senado sa lifestyle check matapos itong masangkot sa kontrobersiyal isyu na “pastillas” scheme. Mayroon umano itong net worth na aabot sa P7.8 million.
Sa nakaraang pagdinig ng Senate committee on women, children, family relations ang gender quality, tinanong ni Senator Risa Hontiveros ang security guard na si Fidel Mendoza kung bakit P7.8 million ang net worth nito.
“Security guard pero P7.8 milyon ang net worth n’yo?” tanong ni Hontiveros kay Mendoza.
Si Mendoza ay kanang kamay umano ni dating BI Deputy Commissioner Marc Red Mariñas na nauna nang inakusahan ni Immigration Officer Allison “Alex” Chong na nasa likod diumano ng “pastillas” money-making scheme.
Ayon naman kay Mendoza, salary grade 5 lang siya sa BI at may buwanang suweldo na P12,488 noong 2016; P12,975 noong 2017; P13,481 noong 2018; at P14,007 noong 2019.
Subalit umaabot umano sa P31,000 ang kabuuan niyang tinatanggap dahil may augmentation allowance na P20,000 kada buwan.
“Salary Grade 5 po Mam, P11,000 plus augmentation pay na P20,000, total na P31,000 a month,” sagot ni Mendoza.
Dahil hindi kumbinsido sa paliwanag ni Mendoza, inirekomenda ni Hontiveros na isailalim ito sa lifestyle check.
Itinanggi rin ni Mendoza na naging chief of staff o kanang kamay siya ni Mariñas noong panahon na BI Deputy Commissioner pa ito subalit naging ‘trusted man’ umano siya nito.
“Hindi po (naging chief of staff). Staff niya po ako, lahat ng mino-monitor mga staff sa Port Operations Division, kasama po niya ako sa meetings,” lahad ni Mendoza.
“Hindi ko masabing kanang kamay. Malaki siguro ang tiwala niya sa akin, pag may mga ganoon po kasama niya ako palagi. Basta katiwala ganun po, trusted man,” sambit pa nito.
Itinanggi rin ni Mendoza na wala siyang alam tungkol sa sinasabing “pastillas” raket ng ilang tiwaling immigration officer ng BI.
***
Source: Abante
***
Source: Abante
No comments:
Post a Comment