Friday, April 3, 2020

Lalaking tagabili ng kailangan ng mga ka-barangay, ipinaaresto ng Brgy. Chairman

Inaresto ang isang tricycle driver na nag-volunteer upang bumili ng pangangailangan ng kaniyang mga ka-barangay sa Gutivan, Cajidiocan, Romblon City.

Ayon sa ulat ni Oscar Oida ng GMA News “24 Oras”, nilabag umano nito ang ipinatutupad na home quarantine sa kanilang lugar kaya ikinulong ng 12 oras si Norris Rance.

Pinakiusapan lamang ng mga kapitbahay niya si Rance na mamili ng kanilang pangangailangan.



"'Yung barangay secretary po namin ay nakiusap po sa akin, nakisuyo na magpabili po ng vitamins sa bayan kasi doon lang po ang may botika sa amin. At saka 'yung isang kapitbahay ko rin po ay nakisuyo rin po sa akin na dalhin 'yung bigas doon sa pamilya niya sa may Barangay Sugod, dadaanan po 'yun papunta sa bayan," kuwento ni Rance.

"Paglabas ko po ng bahay namin sa crossing, may nakisuyo rin po sa akin na makisakay, isang pasahero na bibili ng gamot ng kaniyang lola," patuloy niya.

Ayon kay Rance, siya at ang kanyang kasama ay may dala naman umanong quarantine pass.

"Okay pa naman po sa amin na magbiyahe noon kasi zero cases po kami ng COVID-19 pero nag-iingat pa rin po kami," sabi ni Rance.

Kwento niya, nakabalik na siya ng kanilang bahay tsaka pa lamang nagbigay ng abiso si Bgy. Captain Lucy Quintero na bawal nang bumyahe ang mga tricycle sa kanilang lugar.

"Nagulat na lang po ako noong pagdating ko sa bahay, nakasunod po ang barangay captain namin at saka may isang pulis po. Pilit po nila akong kinukuha at dinadala sa presinto. Tinanong po nila ako noong bakit namasada ako.

'Arestuhin 'yan, dalhin 'yan,'" sabi umano ng brgy. captain, at wala na raw siyang nagawa kung hindi sumama.

"Pagkatapos po noon, kinasuhan po nila ako ng disobedience. Nakulong po ako ng 12 hours," dagdag ni Rance.

Ayon kay Atty. Mario Maderazo, isang volunteer lawyer, walang basehan ang pag-aresto kay Rance.

"Mali po 'yung naging pag-aresto sa kaniya dahil wala naman po siyang nalabag. Una, may sapat siyang dahilan na lumabas sa kaniyang tahanan, kumpleto po siya ng ID at meron siyang pass na hinihingi ng batas sa panahon nitong ECQ," sabi ni Atty. Maderazo.

"Hindi rin oras ng curfew noong siya ay lumabas para bumili ng mga pinakikiusap sa kaniya ng kaniyang mga kabarangay at sa katotohanan siya ay tumutulong pa sa kaniyang mga kabarangay.

Dagdag niya, hindi rin daw maituturing na warrantless arrest ang nangyari dahil nakauwi na ang biktima noong pinuntahan siya ng kapitan at ng pulis.

"Dito may lapse of time na kung kaya ang warrantless arrest po ay hindi valid," sabi ni Atty. Maderazo.

Posibleng maharap sa patung-patong na kaso ang umarestong si Quintero at ang pulis.

"Ang home quarantine ay dito lang within the area ng barangay pero patuloy siyang nagbi-biyahe. Hindi po ba paglabag iyon?" depensa ni Quintero.

Nang ipaliwanag ng "Sumbungan ng Bayan" na excempted ang bibili ng mga essentials, sumagot ang brgy. Chairman: "Isang beses lang po. Pero paulit ulit niya pong ginagawa. Bahala na po, sa korte na lang kami mag-usap."

Panoorin ang video sa ibaba:



***

No comments:

Post a Comment