Sunday, April 19, 2020

May asthma na 69 anyos na lolo, pumila ng matagal ngunit walang natanggap na cash aid

Kahit na may asthma ay pumila parin ng matagal ang isang 69 anyos na lolo sa bangko upang makuha ang ayudang P8,000 pesos.
Lolo Jimmy Tindugan / Screenshot mula sa video ni Jacque Manabat

Sa kasamaang palad ay wala itong nakuha dahil wala umano sa listahan ang pangalan niya.

Ayon sa article ng KAMI, si lolo Jimmy Tindugan ay isang taxi driver at alas-5 pa lang ng umaga at nakapila na ito sa bangko upang makuha ang tulong mula sa gobyerno.

Kahit na may asthma ang 69 anyos na lolo ay tiniis niya ang paghihintay nang matagal at gutom para lang makakuha ng ayuda ngayong tigil pasada siya dahil sa enhanced community quarantine (ECQ).

Ayon sa Facebook post ni Jacque Manabat, tinawagan niya si lolo Jimmy kinagabihan upang kamustahin. Kwento ni lolo, muntik na raw siyang himatayin habang pauwi siya. Buti na lang daw at may motoristang tumulong sa kanya.

Ngunit, hinuli umano sila dahil bawal ang mag-angkas ngayon sa motorsiklo.

Dagdag ni lolo Jimmy, naghihintay sa kanya ang asawa niyang na-stroke at wala pang kinakain sa buong araw na iyon.



Nangutang muna ako sa tindahan. Tapos ang daming tumawag sakin na gusto raw tumulong. Pakisabi salamat,” sabi ni Lolo Jimmy. 

Nang tanungin ni Manabat si lolo kung kaya niya pa, ang tanging sagot na lang nito ay, “Kaya pa, ewan ko kung kaya ko pa.” 

Ayon sa ABS-CBN, hindi lahat ng drivers ay nabigyan ng ayuda dahil limitado lang ang kayang i-accommodate ng bangko na 350 na tao kada araw.




***
Source: KAMI

No comments:

Post a Comment