"Natapos nang pag-usapan sa mga Committee on Legislative Franchises at Good Government ng Kamara ang panukala upang i-renew ang prangkisa ng ABS-CBN. Pinatay na nila ang renewal ng prangkisa.
Vice President Leni Robredo / Photo credit: Al Jazeera
Malawak ang implikasyon ng desisyong ito. Mayroon itong chilling effect: Hindi kalabisang isipin na maaaring magbabago ang editorial choices ng ibang pahayagan gawa ng panggigipit na ginawa sa ABS-CBN. Inaalisan nito ng kabuhayan ang libu-libong nasa empleyo ng network, bukod pa ang mga contractual, at ang iba pang mga industriyang nakasalalay sa mga proyekto ng network. Inaampat nito ang daloy ng wasto at napapanahong impormasyon.
Pangunahin dapat sa agenda ng lahat ang pagtugon sa pandemya. All hands on deck dapat, kasama na ang pagpapaabot ng tamang impormasyon sa bawat Pilipino.
Nakakalungkot isipin ang landas na piniling tahakin ng Kamara, imbes na pagtuonan ang pagbabantay sa maayos na implementasyon ng mga programa laban sa COVID. Inasahan din nating ituturing ng gobyerno ang malayang paghahayag ng saloobin bilang bahagi ng proseso upang mas mapahusay ang kanilang trabaho.
Pero sa pagpapaaresto kay Maria Ressa, sa pagsasabatas ng Terror Bill, at sa pagpapasara sa ABS-CBN, mukhang kabaliktaran ang nangyayari. Ang mensahe: Kapag hindi tayo sumang-ayon nang buong-buo sa kanila, kalaban nila tayong ituturing.
Ang hirap tanggapin na lahat ng ito ay nangyayari habang lahat tayo'y nakikipagbuno pa rin sa hirap at pangambang dulot ng COVID-19. Solusyon sa pandemya, sa pagkawala ng trabaho, at sa gutom ang hinihiling ng Pilipino. Pero pananakot, pagbawi ng kalayaan, at dagdag na panggigipit ang pilit sa ating ihinahain.
Kailangan nating patuloy na manalig, magbuklod, at pumalag. Bawat pahayag, bawat pagkilos ngayon ay may ambag sa mahabang proseso upang maabot ang lipunang tunay na malaya at makatao.
Idinidiin ng denial ng prangkisa ng ABS-CBN ang aral: Our choice of leaders matters. Mahalagang pumili ng mga pinunong tunay sa sumasalamin sa ating mga adhikain at prinsipyo. Kaya’t tandaan natin ang mga pangalan ng kongresista at opisyal na tumaliwas sa ating mga paniniwala upang mapanagot sila gamit ang mga prosesong pangdemokrasya; tandaan din natin ang mga kahanay natin, upang maisulong at bigyang-lakas pa ang mga tulad nila. Malinaw ang mga aral ng kasaysayan: May kabayaran ang bawat pagmamalabis.
May hangganan ang anumang paniniil. Darating ang araw ng pagtubos, at magbubukal ito sa atin mismo: Sa ating pagkamulat, pagkakaisa, at sama-samang pagtataguyod ng mga prinsipyong nagbubuklod sa ating lahat—katuwiran at katarungan; dignidad at karapatan. Malinaw na walang iba kundi tayo na mismo ang kailangang magtrabaho at kumilos para isulong ang mga ito."
***
No comments:
Post a Comment