Binatikos ng aktres na si Sunshine Dizon ang hindi pagbibigay ng bagong prangkisa sa ABS-CBN network at ang pagsasabatas ng Anti Terror Law sa bansa.
Sa kanyang Instagram post, inilabas ni Sunshine ang kanyang hinaing laban sa gobyerno. Aniya, matagal raw siyang nanahimik ngunit hindi na niya ito kayang gawin sa kabila ng mga nangyayari sa ating bansa.
“Hindi po ako abogado pero marunong po akong magbasa at marunong 'din akong umintindi. Gusto ko pong mamuhay sa Pilipinas kasama ng aking mga anak, pamilya at mga kaibigan ng payapa at walang takot na may mga tao na matatas at makapangyarihan na pwedeng abusuhin ang batas na dapat ay poprotekta sa ating lahat,” sabi ni Sunshine.
“Gusto ko pong mamuhay na walang takot na ako ay pwedeng mapagsusupetyahang terrorista dahil nilabas ko lang ang aking mga saloobin o ako'y sumali sa isang protesta,” dagdag ng aktres.
Ayon sa kanya, hindi raw tama na patahimikin ang mga gustong magsalita at magpahayag ng kanilang saloobin laban sa gobyerno.
Ipinahayag niya ang pagkontra sa batas na Anti Terror Law. Aniya, bakit mas inuuna pa raw ng gobyerno ang ilang bagay kesa tugunan ang mga problema sa pandemya.
“Hindi tamang mawalan tayo ng boses at karapatang pumuna kapag tayo ay may mga mali nang nakikita. Gusto kong lumaki ang aking mga anak sa ating bayan na malayang makakapagpahayag ng kanilang saloobin, rerespetuhin ang kanilang karapatang pantao,” sabi niya.
Sa huling parte ng kanyang post ay sinabi niyang “'Wag na tayong magbulag-bulagan."
Narito ang kanyang buong post:
“Matagal na din ako nanahimik, sinabi ko din na kung wala magandang sasabihin manahimik na lang pero mas malaking kasalanan ang mag bulagbulagan kung alam mo ng hindi na tama. Marami akong kaibigan na hindi ko na siguro magiging kaibigan pag katapos nito pero ayos lang kasi ibig sabihin hindi talaga sila kaibigan. Bago nyo ako husgahan at tawaging bobo gaya ng iba dyan na ang huhusay at ang lalakas ng loob mang liit ng kapwa nilang Pilipino kahit wala naman sila ni singkong na i ambag para sa kultura at bayan, Oo hindi po ako abogado pero marunong po akong mag basa at marunong din akong umintindi. Gusto ko pong mamuhay sa Pilipinas kasama ng aking anak, pamilya at mga kaibigan ng payapa at walang takot na may mga tao na matataas at makapangyarihan na pwedeng abusuhin ang batas na dapat ay poprotekta sa ating lahat.
Gusto ko pong mamuhay na walang takot na ako ay pwedeng mapag susupetyahang terrorista dahil nilabas ko ang aking mga saloobin o akoy sumali sa isang protesta.
Hindi tamang mawalan tayo ng boses at karapatang pumuna kapag tayo ay may mga mali nang nakikita.
Gusto kong lumaki ang aking mga anak sa ating bayan na malayang makakapagpahayag ng kanilang saloobin, rerespetuhin ang kanilang karapatang pantao.
Sumasang ayon ako sa batas na poprotekta sa ating lahat laban sa terorismo pero hindi ako sang ayon sa batas na hindi malinaw na posibleng ma abuso sa mga kamay ng mga taong nakatataas at makapangyarihan na pansariling pakinabang lang ang uunahin.
Araw araw tumataas ang bilang ng may sakit dahil sa covid.
Nasaan na ang kongkretong plano para sa bayan? Wala parin mass testing.
Pero nagawang ipasara ang AbsCbn at tanggalan ng hanap buhay ang higit sa 11,000 na pamilya.
Nagawa ang ANTI TERROR BILL. Paano at ano pa ang mga pwede nilang gawin ngayong ito ay nai sa batas na.
Wag na taong magbulagbulagan kailangan nating ipag laban ang ating kalayaan at protektahan ang ating karapatang pantao.
#sonangaling #sonatotoo #ItoAngSONAko”
***
Source: Sunshine Dizon | Instagram
No comments:
Post a Comment