Isang panalo nalang at makakamit na ni Nesthy Petecio ang gintong medalya matapos niyang talunin via slpit decision ang kalaban mula sa Italy na si Irma Testa nitong Sabado sa semifinals ng women’s featherweight event ng Tokyo Olympics.
Si Nesthy ay mula sa Bago Gallera, sa Davao City. Ang kanyang ama ay isa ring boksingero na minsan ding nangarap na manalo ng gintong medalya sa Olympics para sa ating bansa.
Maging ang mga kapatid ni Nesthy ay sinanay din ng kanilang ama sa boxing.
Lumaki sa hirap si Nesthy. Ang kanyang ama ay isang magsasaka habang ang nanay naman niya ay sa bahay lamang.
Sa isang interview kay Nesthy noong Marso, 2020, sa programang “Go Hard Girls Podcast, ikinuwento niya ang kanilang buhay noon.
“Mahirap talaga ang buhay namin noon. Makakakain kami puro utang. So ang ginagawa namin kapag may inter barangay na palaro sasali talaga kami kasi alam naming may premyo, manalo matalo may premyo kaya may pambili kami ng ulam, may pambili kami ng bigas,” aniya.
Tumutulong silang magkakapatid sa kanilang mga magulang sa pangongolekta ng mga “chicken droppings” na ibinebenta nila bilang fertilizers sa lupa at sa fish ponds.
Aminado si Nesthy na hindi talaga niya gusto ang pagboboksing noon dahil ang basketball ang kanyang nakasanayang laro.
Kwento niya, nanunuod lamang siya dati sa kanyang mga kapatid habang tinuturuan ng kanilang ama at sa tingin niya nakitaan siya ng kanyang tatay ng potensyal at tinuruan narin siya ng mga pangunahing kaalaman sa boksing. 11-anyos siya noong matutuo ng boxing.
Noong una, laro lang para kay Nesthy ang pagboboksing dahil ayon sa kanyang tatay pang self-defense lang ang boksing.
15-anyos naman si Nesthy noong unang sumabak sa laban ng boksing sa isang palaro para sa pagdiriwang ng Araw ng Davao.
Aniya, lalaki ang una niyang nakalaban kung saan ay mas malaki at mas magaling ito. Ngunit hindi nagpatinag ang atleta.
“Walang pagdududa, buo ang loob ko nun eh. Gusto kong makipagsuntukan,” pagbabahagi pa niya sa podcast.
Dahil sa kanyang determinasyon ay natalo ni Nesthy ang kanyang kalaban na mayabang umano.
“After ng laban na yun, yung mga nagtitinda doon nilibre ako ng softdrinks, ng pagkain, sobrang tuwa po nilang makakita ng babaeng boksingero,” kuwento pa ng atleta.
Matapos ang laban na iyon, nadiskubre si Nesthy ng isang lalaking nagngangalang Celestino Rebamonte at ipinakilala siya sa head coach ng women’s team na si Coach Roel Velasco na isang, bronze medalist ng Barcelona Olympics noong 1992.
Kinumbinsi ni Coah Roel si Nesthy na sumali sa Philippine National Games noong 2007 kung saan nanalo siya ng gintong medalya at nakuha siya sa Philippine National Team.
Ngunit hindi naging madali para kay Nesthy ang lahat dahil walang pera ang kanyang pamilya upang ipadala siya sa Maynila para sa kanyang pagsasanay.
Samantala, dahil sa tulong pinansyal ni Pangulong Rodrigo Duterte, na dating mayor ng Davao City noong 2007, natupad ang pangarap ni Nesthy na makapunta ng Maynila at makapag-ensayo.
Mula sa Davao nagpunta ito ng Maynila na hindi kasama ang pamilya at nagsimula ring mag-ensayo sa Baguio.
Hindi naging madali kay Nesthy ang malayo sa kanyang pamilya.
“Nagtiis po ako. Umiiyak po ako. Nag homesick po ako. Almost 1 month ako iyak nang iyak kasi nga hindi ako sanay,” kuwento ni Nesthy.
Makalipas ang ilang taon, sumali si Nesthy sa 2018 Asian Games sa Jakarta kung saan sinubok siya ng tadhana matapos ang “heartbreaking loss” niya sa larangan ng boksing.
Dahil dito ay nakaramdam ng pitong buwan na pagkadepres si Nesthy at kinuwestiyon niya ang sarili kung para sa kanya nga ba talaga ang pagboboksing.
Sinubukan ulit ni Nesthy na lumaban noong 2019 at tagumpay niyang nakuha ang gold medal sa AIBA’s Women’s Boxing Championships sa Russia at naging daan ito para makapasok sa Tokyo Olympics.
Ngayong 2021 ay may pagkakataong makuha ni Nesthy ang pangalawang ginto ng Pilipinas sa Tokyo Olympics matapos talunin si Irma Testa ng Italy.
Ngayon ay malaki na ang pinagbago ng buhay ni Nesthy at ng kanyang pamilya. Kung noon ay nakakakain lamang sila tuwing uutang ng pera, ngayon ay kayang kaya na nilang kumain nang hindi nanghihiram ng pera.
***
Source: Balita
No comments:
Post a Comment