Saturday, April 26, 2025

Loyalista mula Tondo: “Si BBM ang dapat magpalit ng apelyido, hindi si Imee”

Isang matagal nang loyalista mula sa Tondo ang nagpahayag ng pagkadismaya sa kasalukuyang pangulo ng bansa, si Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., at iginiit na kung may dapat magpalit ng apelyido, ito ay walang iba kundi ang pangulo mismo.
Photo credit to the owner

Sa isang bukas na liham na ibinahagi sa publiko, inilahad ng loyalistang nagmula sa pamilyang malapit sa mga Marcos ang kanyang saloobin: “Isa kami sa mga pinagkalooban ng lupa ni Ginang Imelda Marcos. Kasama ng aking pamilya, binantayan namin ang Malacañang noong 1986. Hanggang ngayon, tapat kami sa legasiya ng yumaong Pangulong Ferdinand Marcos Sr.”

Ngunit aniya, ang kasalukuyang pamumuno ni BBM ay isang pagtalikod sa lahat ng ipinaglaban ng kanyang ama. “Hindi si Imee ang sumisira sa apelyidong Marcos. Si Bongbong ang dumudungis sa pangalan ng kanyang ama,” aniya pa.

Pagsuway sa Prinsipyo

Ilan sa mga binanggit na dahilan ng loyalista ay ang umano’y pagpapasok ni BBM sa mga dating kaaway ng pamilya Marcos sa gobyerno, partikular na ang mga dating kaalyado ng oposisyon.

Ang pagkakaisa na sinasabi ng Uniteam ay naging pang-iisa. Hindi ito ang ‘tatak Marcos’ na tapat sa kaibigan at kaalyado. Pumasok sa gobyerno ang mga dilaw at pink, samantalang ang mga tunay na sumuporta ay naisantabi,” ayon sa sulat.

Binatikos din niya ang kilos ni BBM noong 2023 kung saan ito ay nagpadala ng bulaklak sa EDSA Shrine at nagbigay-pugay sa tinaguriang "People Power Revolution" — isang hakbang na tinuligsa ng maraming loyalista.

EDCA, Maharlika, at Pananahimik

Kinuwestyon din ng loyalista ang mga patakarang panlabas ni BBM, gaya ng pagpayag sa pagpapalawak ng presensiya ng mga sundalong Amerikano sa ilalim ng EDCA.

Ipinagpalit niya ang soberanya ng bansa sa ayuda. Hindi ito ang pinaglaban ni Apo Lakay,” ani ng loyalista.

Hindi rin niya pinalampas ang Maharlika Investment Fund na tinawag niyang “proyektong walang tunay na saysay sa masa,” gayundin ang umano’y kakulangan ng tapang ni BBM bilang lider.

Ang Bagong Pilipinas ay isang mababaw na kampanya. Walang kinalaman sa Bagong Lipunan na pinangarap ng kanyang ama.

Ngunit sa lahat ng kanyang puna, ang pananahimik ni BBM ukol sa kautusan ng International Criminal Court (ICC) laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte ang itinuturing niyang pinakamabigat na pagkukulang.

“Si Duterte ang nagpalibing kay Apo sa Libingan ng mga Bayani. Ngayon, habang siya’y iniinsulto ng dayuhan, si BBM ay tahimik. Siya ang naglibing sa legasiya ng kanyang ama."

Si Imee ang tunay na tagapagmana

Sa kabila ng lahat, pinuri ng loyalista si Senador Imee Marcos na aniya ay hindi kailanman lumihis sa paninindigan ng kanilang ama.

“Hindi siya perpekto, pero siya ang tunay na Marcos. Siya ang tumutulong sa mga kababaihan, senior citizen, PWD, solo parents, at cultural workers. Hindi niya tinalikuran ang mga loyalista.”

Sa huli, nagbitiw ng matapang na panawagan ang loyalista:

“Mas nararapat si Bongbong na tawagin sa tunay niyang pangalan: Ferdinand Araneta-Romualdez. Dahil he is FAR from being a true Marcos.”

Narito ang buong post:


No comments:

Post a Comment