Ibinunyag ng TV at social media personality na si Awra Briguela na may plano siyang sumailalim sa gender reassignment surgery upang mas kilalanin at ituring bilang isang tunay na babae.
Sa panayam niya kay content creator Killa Kush sa YouTube channel na “Bad Btch Bible”, inamin ni Awra na sa murang edad na tatlong taon ay alam na niya sa sarili na siya ay bakla.
"Yeah, like parang mga 3 years old pa lang ako, alam ko na [gay ako]. Pero ito na lang lately 'yong trans. Well, it all started with my 2 sisters kasi I have 2 sisters and ako 'yong sumunod after ng dalawang babae,” ani Awra.
"So, growing up, naiinggit ako kasi ang dami nilang choices e. Puwede sila magshorts, puwede sila magpalda, mag-dress, tapos ako polo and short or pantalon lang,” dagdag pa niya.
Ibinahagi rin niya na malaking tulong ang naging suporta ng kanyang ama, dahilan upang mas malinaw sa kanya na nais niyang maging isang transgender sa hinaharap.
“Growing up, alam ko nang bakla ako kasi gusto ko 'yong Hello Kitty nila na swimsuit, gusto ko 'yong Barbie. Sinuportahan naman ako ng tatay ko kaya nung lumaki na ako, alam ko na magta-trans ako,” anang Kapamilya star.
Dagdag pa ni Awra, isa pang dahilan kung bakit niya napagtanto na siya ay transgender at hindi lamang isang gay ay ang kanyang mas malalim na pagkilala sa sarili.
“Iyong moment na gusto ko mag-transition na babae talaga. Kasi 'pag gay, before, sinasabi ko na gay lang ako, bakla lang ako, kasi wala naman akong balak mag-transition. Pero noong nasabi ko, 'yong parang kuntento na ako na ito lang ako [na] nakakatawang bakla or like bakla lang na nagkakagusto sa lalaki,” aniya.
“Pero noong nasabi kong gusto ko mag-trans, 'yong gusto kong itrato akong babae. 'Yong gusto ko tingin sa akin babae, ganoon. Pero like hindi pa ngayon, pero may plan din akong magpa-sex change,” dagdag pa niya.
Matatandaang kamakailan ay naging usap-usapan si Awra matapos maging viral ang kanyang graduation photo, na umani ng samu’t saring reaksyon, kabilang ang isang komento mula sa kapwa content creator.
***
No comments:
Post a Comment