Thursday, April 30, 2020

Bagong panganak na ina, binawian ng buhay dahil tinanggihan ng anim na ospital

Binawian ng buhay ang bagong panganak na ina matapos itong tanggihan ng mga empleyado ng anim sa pitong ospital na pinuntahan nila sa Caloocoan City, Quezon City, at Bulacan.
Katherine at Jan Christian Bulatao / Imahe mula sa Facebook

Hindi na makikilala ni Kamila Jean Bulatao ang kanyang inang si Katherine, 26-year-old dahil sa kalunos-lunos na pangyayari.

Sa isang article ng PEP, ikinuwento ni Jan Christian Bulatao ang hirap na pinagdaanan nila ng kaniyang asawa na si Katherine.



Ani Jan, hindi umano mamamatay ang kanyang asawa at masaya sana silang magkakapiling ng kanyang tatlong anak- edad 6,5 at three days old kung hindi sila tinanggihan ng mga ospital na kanilang pinuntahan.

Kwento ni Jan, alas tres ng hapon noong April 24 ng manganak si Katherine sa pamamahitan ng hilot sa kanilang bahay sa Banahaw Street, Barangay 183, Mountain Heights Subdivision, Caloocan City.

Hindi umano lumabas ang placenta o ang inunan ng sanggol kaya pinayuhan ng manghihilot si Jan na dahil ang kanyang asawa sa ospital.

“Nanganak po siya sa bahay, 'tapos may naiwan na inunan. Noong nahihirapan na ang hilot na ilabas yung inunan, sabi niya po dalhin na si Misis sa pinakamalapit na ospital. Pumunta po ako sa barangay hall namin, nakiusap po ako na tulungan po ako. Pinahiram po nila yung mobile ng barangay.”

North Caloocan Doctors

"Ang unang pinakamalapit na ospital na pinuntahan namin yung North Caloocan Doctors Hospital po. Tsinek po nila yung vitals ni Misis, 'tapos tinanong po nila kung ano ang nangyari. Sabi po nila, wala silang stock ng dugo.”

"Sinabi nila sa amin na pumunta daw kami sa mas malalaking ospital na siguradong kayang i-provide lahat."



Commonwealth Hospital

"Nagpunta po kami sa Commonwealth Hospital, sa likod ng SM Fairview, mga 5 pm na po. Pina-fill up po ako ng form at yung nanay ni Misis, tiningnan niya kung may available operating room.

“Pagbaba po nila, wala na raw pong bakante. Si Misis po, okey pa noon. Nagagalit pa nga siya dahil gusto niyang uminom ng tubig kaso hindi puwede dahil may suwero at oxygen siya. Malakas pa po siya no’n.

“Nung walang bakanteng kuwarto, itinuro po kami sa FEU Medical Center sa Dahlia St., Fairview.”

FEU-NRMF Medical Center

“Pagdating po namin doon, naghintay po kami kasi may pila. Nung turn na po namin, around 6:30 pm, ako po yung nakipag-usap. Sabi ko, ‘Ma’am, patulong po, emergency po.’

“E, naka-tsinelas lang po ako. Dugyot po ako talaga dahil tuliro na ako. Ang sabi ng kumausap sa akin, 'Sir, uunahan ko na po kayo, private hospital po kami, medyo may kamahalan.’

“Nagtanong ako, magkano po ba?'

"Sabi niya, ‘Kung sakali, aabutin ng around PHP60,000 to PHP100,000.’

“Sabi ko, 'Wala pong problema, Ma’am. Gagawan ko po ng paraan yan.'

"Sabi niya, 'Sige sir, ia-admit namin si Misis, kaso tanong ko lang, kaya niyo po ba na magbigay ng downpayment?’

"'Magkano po yung amount?'

"Sabi niya, ‘Siguro, aabot ng mga trenta [PHP30,000]’

"Sabi ko, 'Sige po, Ma’am, gagawan ko ng paraan kasi emergency na po.



"Si Misis, nahihirapan nang huminga saka nagbi-bleeding na po siya that time.

"Sabi ko, 'Wala po akong dalang cash. Kung puwede, i-admit muna si Misis, kukuha po ako ng cash. Babalikan ko po agad, ibibigay ko po ang downpayment.'

"Sabi ng nakausap ko, hindi puwedeng i-start ang procedure hangga’t walang downpayment.

"In-advise nila ako na, 'Kung gusto nyo, sir, iwanan nyo yung misis nyo 'tapos kunin n'yo yung downpayment. Balikan n'yo po.'

"May binanggit din po siya tungkol sa PPE [Protective Personal Equipment] na suot ng doktor.

"Sabi niya, babayaran din namin ang bawat PPE na gagamitin ng doktor at nurses na PHP4,000 each.

"'Tapos nag-advise siya, ‘Kung gusto n'yo sir, maghanap muna kayo ng public hospital. Kapag wala kayong nakita, kunin n'yo ang pang-downpayment, balik po kayo dito.'"

Ayon kay Jan, hindi na niya matandaan ang pangalan ng kanyang nakausap, ngunit kung makikita niya muli ito ay matatandaan niya ang mukha.

Bermudez Polymedic Hospital

"From FEU, naghanap po kami ng public hospital pero wala na kaming nakita. Dire-diretso na po kami sa Bulacan. Dumaan muna kami sa isang ospital na papuntang Tala, yung Bermudez, around 7:30 pm.”

"Yung asawa ko, nag-chill na siya, 'tapos ang lalim na ng hinga niya. Hindi na siya makapagsalita. Tumatango-tango na lang siya, ang haba na po kasi ng oras…”



"Maliit lang po siya na ospital kaya naintindihan po namin na wala silang sapat na equipment. So nag-u-turn po kami, binaybay po namin ang kalye papuntang San Jose del Monte, sa Tungko po.”

Skyline Hospital and Medical Center

"Nagpunta po kami sa Skyline Hospital and Medical Center. Ang sabi po nila sa amin, 'Ano pong kaso muna? Ano pong nangyari?’ Nang sabihin ko na may inunan sa loob, sabi nila, ’Pasensya na po, sir. Wala po kaming OB-GYN ngayon.'"

Grace General Hospital

"Itinuro nila kami na pumunta sa Grace General Hospital na willing naman po na i-admit kami pero in-inform din nila kami na wala silang OB-GYN. Unsure sila kung may magre-response na tao nila.”

"Dahil kritikal nga si Misis at hahanapin pa ang OB-GYN, hindi na kakayanin kasi mahinang-mahina na po talaga siya. Kamay na lang niya ang gumagalaw, mga 8 pm na po ‘yon.”

"Nagtanong po ako, 'Ma’am, kumusta na ang lagay ni Misis, kasi nag-aalala na po ako. Iba na yung nakikita ko sa asawa ko.'

"Tsinek yung oxygen niya, okey naman daw dahil 90 percent pa.”

"In-advise nila na pumunta kami sa Sapang Palay General Hospital dahil sigurado raw na may available OB-GYN."

Sapang Palay General Hospital

"Tinanong ko ang doktor kung aabot pa siya sa isang ospital na pagdadalhan namin kay Misis, yung Sapang Palay General Hospital. Pero hindi na po siya umabot, dead on arrival na siya sa Sapang Palay General Hospital.”

"Hindi ko na po maintindihan ang mararamdaman ko, pero more on lungkot po siguro. Buhay pa po sana siya kung hindi tumanggi ang mga ospital.”

"Ang mga ospital po ang talagang sinisisi ng nanay ni Misis. Naubusan po ng dugo yung asawa ko sa sobrang tagal naming bumibiyahe kahahanap ng ospital."

Sa ngayon ay hindi pa raw alam ni Jan kung ano ang plano niya.

Samantala, dumedede na si Kamila ng powder milk.

"Okey na po yung baby. Yung pangalan po niya galing sa asawa ko bago ito namatay. Tinatanong ko siya noon palagi dati kung ano ang ipapangalan namin sa baby.”

"Sabi niya, Kamila, 'tapos Jean yung second name. Isinunod niya sa pangalan ko na Jan.”


***
Source: PEP

No comments:

Post a Comment