Friday, March 19, 2021

May kuliti, dahil ba sa paninilip?

May kasabihan na ang mga nagkakakuliti sa mata ay dahil sa paninilip. Hindi po ito totoo. Ang kuliti (o sty sa English) ay isang masakit at mapulang impeksyon sa talukap ng mata. 

Photo credits to the owner

Maihahalintulad natin ito sa isang tigyawat o pigsa.

Ang mga sanhi ng kuliti ay:

(1) ang pagpasok ng mikrobyo sa mata sa pamamagitan ng natanggal na pilikmata,
(2) ang paggamit ng luma o expired na make-up,
(3) ang hindi pag-alis ng eye make-up sa gabi, at
(4) ang paghawak sa mata ng maruruming kamay.

Ang mga kababaihan ay madalas magkaroon ng kuliti dahil sa paggamit nila ng eyeliner at eyelash curler. Ang mikrobyo ay tumitira sa mga eyeliner pencil na ito, kaya kailangan mong tasahan ito o ibabad muna sa alcohol bago gamitin.

Photo credit to the owner

Kadalasan ay kusang gumagaling ang kuliti sa loob ng isang linggo. Ngunit mayroong mga paraan para mapabilis itong gumaling.


Photo credit to the owner

1. Lagyan ng Hot Compress ang kuliti. Isang simpleng paraan ay ang pagbasa ng malinis na tuwalya sa mainit na tubig. Pigain ito ng bahagya at ipatong sa kuliti. Gawin ito ng 15 minutos, at 3 o 4 na beses sa maghapon. Hot compress na iyan.


2. Para sa kuliti o pigsa, may tulong ang hot compress sa pagpapahinog ng kuliti. Mas lalambot ang kuliti at bibilis ang pagputok nito. Siguraduhin lamang na malinis ang iyong kamay at tuwalya.
3. Puwedeng patakan ng antibiotic eye drops ang mata. Patakan ang apektadong mata ng isang patak lang, dalawang beses sa maghapon.

Para makaiwas sa pagkakaroon ulit ng kuliti, sundin ang mga payong ito.

1. Huwag muna gaano mag-make-up sa mata o gumamit ng eyelash curlers. May nabubunot kasing pilikmata na maaaring pasukin ng bacteria. Laging linisin at sabunin ang eyelash curler.

2. Kung ikaw ay may contact lens, huwag muna itong gamitin.

3. Itapon ang mga lumang make-up. Huwag ipagamit ang make-up sa iba at baka kayo magkahawahan.

4. Maghugas palagi ng kamay at gumamit ng sabon. Tandaan, sa iyong kamay din nanggaling ang impeksyon ng iyong kuliti.


***
Source: Doc Willie Ong

No comments:

Post a Comment